Mga Pahina

Huwebes, Agosto 16, 2012

Wika ko, Wika mo,Wikang Filipino


Wika ko, Wika mo,Wikang Filipino
Ni: Dianne Ceralde

Hindi lingid sa ating kaalaman na ang buwan ng Agosto ay araw ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Bakit nga ba mahalaga ang wika sa ating lahi? Ang ating wikang Filipino ay sadyang napakahalaga sa ating mga Filipino dahil ito ang sumasalamin sa ating lahing pinagmulan. Ayon kay Dr. Jose V. Abueva, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), "Ang Pambansang Wika ay hindi lamang wika kundi pananaw rin at pagtingin na maka-Filipino." Dahil sa wika ating naipapahayag ang ating saloobin at ideya.  Dahil din sa ating wika ay naipapakita natin ang ating kultura at mas lalo nating napapayabong ang ating panitikan.
Ang wika ay nilika ng Diyos upang tayo ay magkaunawaan. Ang wikang Filipino ang siyang nagsisilbing instrumento upang tayo ay magkabuklod-buklod. Kaya marapat lamang na ito ay ating gamitin sa pakikipagtalastasan sa ating kapwa Pilipino. Sabi nga ni Gat Jose Rizal ang taong hindi marunong magmahal sa ating sariling wika ay higit pa sa mabaho at malansang isda. Hindi masama ang paggamit ng wikang banyaga pero nararapat lamang na gamitin natin sa ating sariling bayan ang wika ng ating Perlas ng Silangan. Marapat lamang na ating ipagmalaki ang ating Wikang Filipino dahil ito ang ating lakas. Ang katatagan ng ating sariling wika ang siyang makapagsasabi kung gaano tayo kalakas at katatag bilang Pilipino.
Di ba’t kasing ganda ng ating bansa ang ating sariling wika? Bilang isang Pilipino tungkulin nating pangalagaan at pagyabungin ang ating sariling wika. Huwag tayong maging dayuhan sa ating bansa. Ayon sa 1 Korinto 14:10-11“Maraming iba’t ibang wika sa daigdig at bawat isa’y may kahulugan, ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaunawaan.” Ang wika ang siyang dahilan kung bakit tayo nasasangkot sa mga gawain sa ating araw- araw na pamumuhay. Nagagawa ng wika na tayo ay pag-isahin. Maihahalintulad ko ang ating wika sa pundasyon ng  isang bahay. Tulad ng isang bahay nararapat lang na maging matibay ang pundasyon upang sa gayon ay hindi gumuho ang  bahay. Tulad ng isang pundasyon kailangan nating siguraduhin na ang ating sariling wika ay hindi magagapi ng anumang wika. Dahil hanggat ang ating wika ay patuloy sa pag-inog hindi mawawala ang lakas ng ating lahi.
            Isang kabalintunaan ang paglimot sa wikang iyong kinagisnan. Samakatuwid, mahalaga ang ginagampanang papel ng wikang Filipino sa ating mga Pilipino. Huwag nating kakalimutan na ang wikang Filipino ang siyang wikang nagpapakita ng ating pagkaPilipino. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento