Mga Pahina

Miyerkules, Agosto 15, 2012

Higit pa sa Ginto


Higit pa sa Ginto
ni: Dianne Ceralde

             Kung meron mang kasabihan na alam ng lahat ng tao ito ay ang No Man is an Island. Ipinapabatid lamang ng kasabihan na ito na walang tao ang pwedeng mamuhay ng mag-isa, kaya tayo ay nakikipagkaibigan sa ibang tao. Lahat tayo ay may kaibigan, pero hindi lahat ng ating kaibigan ay totoo sa atin. Maswerte ako at ako ay nakatagpo ng tunay na kaibigan, kaibigan na hindi ako iiwanan sa panahon ng kahirapan at kasaganaan.
            Marami akong kaibigan pero iisa lang ang namumukod tangi at itinuturing kong espesyal   Ang aking kaibigan ay natatangi dahil taglay niya ang mga katangian na mahirap hanapin sa ibang kaibigan. Mahal na mahal ko ang aking kaibigan at gayun din siya sa akin. Nagsimula ang aming pagkakaibigan noong ako ay nasa sekondarya. Gaya ko,  siya ay mahilig din sa musika, kaya hindi nakapagtataka kung bakit naging malapit kaming magkaibigan.
           Ang aking kaibigan ay mas higit pa sa ginto dahil siya ay wala siyang katumbas na halaga. Siya si Christine Joy ang itinuturing kong bestfriend . Siya ang takbuhan ko kapag ako ay may problema.  Naalaala ko pa ng ako ay nasa sekondarya siya ang tumulong sa akin nung ako ay nagkaroon ng problema sa buhay pag-ibig.  Siya ang umahon sa akin sa mga panahong ako ay nalulunod sa kumunoy ng kabiguan. Masaya ako dahil tanggap niya kung ano ako at sino ako. Kapag ako ay umiiyak lagi siyang nariyan para ako ay patawanin. Kapag ako naman ay malungkot hindi siya nag-aatubiling pasiyahin ako.  Ipinangako namin sa isa’t isa na ang aming pagkakaibigan ay walang hanggan. Walang sinuman ang makakapaghiwalay sa amin dahil kami ay sanggang dikit.  Para kaming kambal dahil marami kaming pagkakapareho sa buhay. Ang paborito kong kulay ay paborito niya rin, pareho rin kami ng paboritong pelikula. Siya lang ang nakakaalam ng aking sekreto at siya rin lang ang lubos na nakakikilala sa akin. Maalalahanin at mapagbigay ang aking kaibigan. Noong kami ay nasa hayskul hindi niya hinahayaang magpalipas ako ng gutom hanggang sa ngayon ay sinisigurado niyang kumakain ako sa oras. Tuwing kaarawan ko ay hindi niya nakakalimutang magbigay ng regalo sa akin. Kapag may sakit naman ako ay lagi niyang ipinagdarasal na sana ay gumaling na ako. Komedyante rin ang kaibigan ko dahil hindi ako nakakaramdam ng pagkabagot kapag kami ay magkasama.
            Ang aming pagkakaibigan ay maihahalintulad ko sa kawayan dahil kahit ilan mang bagyo ang dumaan ay hinding hindi masisira o mabubuwag ang aming pagkakaibigan.  Tulad ng ibang magkakaibigan nagkaroon din kami ng tampuhan, pero hindi ito sapat para matapos ang aming pagkakaibigan. Sa Pangasinan State University siya nag-aaral at ako naman ay sa University of Luzon kaya minsan minsan nalang kami magkita. Salamat na lang at naimbento ang cellphone dahil kahit hindi na kami madalas magkita ay hindi pa rin napuputol ang aming komyunikasyon. Kapag namimiss ko siya ay hindi ko mapigilang maalala ang mga kaganapang nangyari sa amin sa hayskul. Tandang tanda ko pa noong kami ay nasa sekondarya lagi niya akong sinusuportahan kapag ako ay lumalahok sa mga patimpalak sa aming paaralan. Lagi siyang nariyan kapag kailangan ko ng tulong sa pagsuot ng damit at siya rin ang kasabay ko sa pagkain at pag-uwi. Walang kapantay ang pagpapahalaga niya sa akin kaya naman hindi ko siya ipagpapalit kahit kanino man.  Siya ang itinuturing kong tunay na kaibigan dahil  ang aming pagkakaibigan ay walang hangganan.
          Sa panahon ngayon mahirap makahanap ng totoong kaibigan kaya mapalad ako at ipinagkaloob siya sa akin ng Diyos. Sabi nila ang pagkakaibigan ay parang isang baso na kapag nabasag ay magkakaroon ng lamat at kailanman may ay hindi na mabubuo kaya dapat nating pahalagan ang ating mga kaibigan dahil mahirap humanap ng isang tunay na kaibigan.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento