Mga Pahina

Martes, Agosto 14, 2012

Buhay sa Kolehiyo


Buhay sa Kolehiyo
ni: Diana Ceralde

Marami tayong pangarap sa buhay, nariyan na ang magkaroon ng isang malapalasyong bahay, maraming pera at trabaho.Ngunit bago natin makuha ang mga inaasam natin ay kailangan muna nating tapusin ang ating pag-aaral. Ngayon ay nasa kolehiyo na ako at abot tanaw ko na ang tagumpay dahil isang taon na lamang ay magtatapos na ako ng pag-aaral.
Hindi biro ang pag-aaral sa kolehiyo, dadaan ka sa maraming butas bago mo makuha ang inaasam mong diploma. Ibang iba ang sistema ng pag-aaral sa kolehiyo kung ikukumpara ito sa sekondarya. Kung dati ay nakakain kami sa takdang oras ngayon ay malimit ng mangyari iyon. Ala una na ng hapon kung kami ay kumain ng aming tanghalian minsan naman ay inaabot pa ng alastres. Kung ang skedyul mo ay maganda, makakain ka sa takdang oras o sa kahit anong oras na gusto mo, pero kung ang skedyul mo ay hanggang alas singko ng hapon, walang bakante at idagdag mo pa ang boring mong guro ay talaga namang magugutom ka. Minsan nga iniisip ko na baka magkaroon ako ng ulser dahil hindi ako nakakain sa tamang oras minsan pa nga pinagtiyatiyagahan ko na ang Siomai at Hamburger sa kantina. Pati ang oras ng pagtulog ko ay nabago na rin. Madalas akong matulog ng madaling araw, kahit dalawin ako ng antok ay kailangan ko pa ring manatiling gising dahil kailangan kong tapusin ang mga takdang aralin ko at proyekto na dapat kong isumite sa itinakdang petsa ng aming guro. Minsan ginagabi na ako ng pag-uwi dahil marami kaming mga gawain sa paaralan na kailangang tapusin. Pagdating ko sa bahay ay magbibihis ako at bubuksan ko ang aking laptop at kukunin ko ang aking panulat at libro.Minsan sinasabi ng magulang ko na puro pag-aaral na lang daw ang inaatupag ko.
Kapag ikaw ay isang mag-aaral sa kolehiyo dapat kang maging matiyaga masipag at dapat malakas ang loob mo, lalo na kung ang guro mo ay mahigpit o “terror”. Hindi uso ang mahiyain sa kolehiyo kung gusto mong mapansin ka kailangan mong magpakitang gilas sa loob ng inyong klase. Yan ang ginagawa ko sa aming klase kaya siguro matataas ang mga nakukuha kong marka.  Kung ayaw mong makakuha ng tres na marka kailangang mong pumasok  araw- araw at gawin lahat ng iyong takdang aralin at proyekto. Kapag malapit na ang pagsusulit ay matatanaw mo na ang mahabang pila sa bayadan ng tuition fee. Para hindi ako maabala ay nagbabayad ako ng tution fee tatlong araw bago ang aming pagsusulit. Kapag nalalapit na ang pagsusulit namin ay gumagawa ako ng aking reviewer para makapag-aral ako ng mabuti. Sa dami ng aking isinusulat ay hindi maiiwasang magkaroon ako ng paltos sa aking kamay. Lahat ng pagpupuyat ko ay hindi naman nasasayang dahil napapalitan naman ito ng matatas na marka. Sa tuwing inaanunsyo ang mga Dean’s lister ay abot tenga ang aking tuwa dahil binabanggit ang pangalan ko. Kahit isang papel lang ang ibinibigay sa amin ay walang mapagsidlan ang aking tuwa dahil nagbunga ng maganda ang aking pagsusunog ng kilay. Sa kolehiyo kahit ilang Comlaude o Magna Cumlaude ay pwede pero sa sekondarya hindi pwedeng magkaroon ng maraming Valedictorian.
Hindi lang naman puro hirap ang mararanasan mo sa kolehiyo sapagkat makakaramdam ka rin ng kaligayahan sa iyong pag-aaral sa tulong ng iyong mga kapwa kamag-aral. Kung dati sa hayskul ay sinisita ka ng gwardya kapag may pupuntahan ka, sa kolehiyo ay hindi. Walang pakialam ang gwardya kong saan kami pupunta, siyempre dalaga at binata na kami kaya alam na namin ang tama at mali. Minsan nga sa halip na pumasok kami ay pinipili na lang naming pumunta sa mall para kumain o di kaya naman ay pupunta kami sa bahay ng kaklase namin para makikain at manungkit ng mangga. Masaya ang pag-aaral sa kolehiyo dahil marami kang makikilalang kaibigan lalo na kung ikaw ay palakaibigan. Iba iba kasi ang mga magiging kaklase mo sa mga asignatura, kaya kailangan mong makisama sa kanila. Maswerte ka kapag meron kang mga galanteng  kaklase, kahit wala kang pera nariyan sila para pautangin ka o minsan naman ay ilibre ka. Kapag bakante namin ay wala kaming inatupag kundi mag facebook, magkwentuhan, kumain, gumala at kung minsan naman ay itinutulog nalang namin.
Ang edukasyon ay isang bagay na kailanman ay hindi mananakaw ninuman, kaya kailangan nating pahalagahan at pagyabungin ito.Lahat tayo ay nagnanais na makapagtapos sa kursong ating kinagigiliwan. Kailangan nating magsunog ng kilay nang sa gayun ay maabot natin ang rurok ng tagumpay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento