Mga Pahina

Biyernes, Disyembre 7, 2012

Pasko na naman :-)


Magpapasko na naman, uso na naman ang pagkanta ng We wish you a Merry Christmas at Ang pasko ay sumapit. Nariyan na naman ang mga batang gabi-gabi nangangaroling sa bawat bahay. Naglipana na naman ang mga makukulay na parol at ang mga kumukutitap na Christmas lights sa bawat bahay.(oops, wag kang bumili ng lokal na Christmas lights, delikado ito, baka masunog ang bahay mo.) Malamang nagtitipid sa kuryente ang kapitbahay mo kung wala kang makikitang Christmas lights sa kanilang bahay. Marahil ay abala na naman ang iba sa pagsasabit ng medyas sa bintana. Umaasa silang baka magkaroon ito ng laman kinabukasan. Siguradong marami na namang  bata ang nag-aabang kay Santa Claus at sa kanyang mga regalong nakalagay sa sakong puti. Nalalapit na naman ang simbang gabi,nanabik na naman ang mga  magkasintahang walang ginawa kundi ang magdate sa loob at labas ng simbahan sa halip na misa de gallo, ito ay nagiging misa de gala. Kunwari nakikinig sa sermon ng pari yun naman palay nakikipagharutan sa kanyang katabi. Nagkalat na naman sa labas ng simbahan ang mga tindera ng puto bumbong at bibingka. Masaya na naman ang mga inaanak dahil tiyak na may matatanggap silang aginaldo o regalo sa kanilang mga ninong at ninang.Samantala malas naman ng mga batang may barat na ninong at ninang. (sensya na sa mga inaanak ko :-), wala pang trabaho ang ninang niyo.) 

Ano nga ba ang tunay na diwa ng pasko? Ipinagdiriwang natin ang pasko dahil sa ating Panginoon. Siya ang dahilan kung bakit may pasko :-). Hindi natin ipinagdiriwang ang pasko dahil kay Santa o dahil sa anumang bagay. Si Jesus lang at wala ng iba pa.  Siyempre kung may Christmas party at exchange gift eh siguradong ang bawat isa sa atin ay may Christmas wish list. Sabi ng iba kapag nakumpleto mo raw ang simbang gabi tiyak na matutupad ang kahilingan mo. Pero kung ako ang tatanungin, hindi ako naniniwala. Wala naman silang sapat na basehan dito. Tsaka paano yong mga taong may sakit at hindi nakapagsimbang gabi? paano yung mga taong hindi nakapagsimbang gabi dahil may trabaho? Lahat naman ng atiing hilingin ay maaring matupad basta manalig at maniwala lang tayo sa Diyos :-). Gaya ng ibang tao mayroon din akong mga hiling. Sana gumaling na ang aking ama at ang aking kapatid. Sana maging maayos na ang lahat at sana wala ng gulo at krimen.Sana lahat tayo ay mamuhay nang maligaya at walang galit sa puso. Sana araw-araw ay pasko :-).Bawal ang negatibong vibes sa pasko, dapat panatilihin nating maging positibo sa buhay nang sa gayon ay maging maayos ang takbo ng ating pamumuhay. Mahalin natin ang ating kapwa at tulungan ang mga  taong nangangailangan. Sabi nga nila its better to give than to recieve. Kaya huwag kayong mag-alinlangan na magbigay sa mga nangangailangan. Teka,,nakabili ka na ba ng regalo??? nabalutan mo na ba ito?? Ooops,,huwag mong kalilimutan ang regalo ko ah.. :-).  Ngayon pa lang ay binabati na kita ng Maligayang Pasko :-)

Martes, Oktubre 9, 2012

Salamat Jesus :-)


Salamat Jesus J

Nakangiti sa madla
Kahit may problema
Naniniwalang makakaya
Manalig lang sa Kanya

Mundo ko ay nag-iba
Nang Siya ay makilala
Buhay ko ay sumigla
Nagkaroon ng pag-asa

Salamat sa Iyong paggabay
Tagumpay ko’y sa Iyo inaalay
Malayo man ang malakbay
Sa puso’y di ka mawawalay

Salamat Jesus at Ika’y nariyan
Di ako iiwan magpakailanman
Di hangad ang salapi o kayamanan
Ikaw lang ang aking kailangan

Salamat sa magandang bukas
Pananalig ko sayo’y di kukupas
Jesus, Ikaw ang tangi kong tagapagligtas
Pagmamahal Mo sa akin ay walang katumbas







Miyerkules, Setyembre 5, 2012

Ako pa ba ang dating ako?


Ako pa ba ang dating ako?

Ako pa ba ang dating ako?
Ako pa ba ang batang kilala mo?
Ako pa ba’y nakikilala mo?
Ako pa ba ito ?

Ako pa ba siya?
Ako pa ba ang taong iyon?
Ako pa ba ang taong iyan?
Ako pa ba  ang dating ako?

Ako pa ba ang dating anak mo?
Ako pa ba ang dating estudyante mo?
Ako pa ba ang dating kababata mo?
Ako pa ba ang dating ako?






Biyernes, Agosto 24, 2012

Linggo, Agosto 19, 2012

Ang aking Mga Tula




Kisap-Mata
 ni Diana Ceralde

Dalawang taon  na ang lumipas
Sugat ng kahapo’y di magwakas.
Kahit nahawi na ang mga ulap
Ikaw pa rin ang pinapangarap.

Kinabukasan ay hindi matanaw,
Kasiglahan ay parang ninakaw
Parang nauupos na kandila,
Ibong sa hawla’y di makawala.

Kahapon lang tayo’y magkasama,
 Tanging mababanaag ay saya.
Mga puso nati’y di magkamayaw
Habang lumulubog ang araw.

Sadyang mapaglaro ang tadhana
Ginimbal ng isang masamang balita.
Kailan man ay di  na magtatagpo
Di na masisilayan ang mukha mo.

Ang pangako mo’y aalagaan,
Pero agad din akong nilisan.
Pagmamahalan parang kisap-mata
Ilang saglit lang at agad nawala.

Ang kalangitan ay nangitim
Nag-iisa lamang sa dilim.
Panaghoy ay lalong nagingibabaw,
Apoy sa dibdib ay umaapaw.

Pagkawala mo’y aking kamatayan
Nalunod  sa kumunoy ng kalungkutan.
Unti-unting nawala ang kinang ng tala
Bumuhos ang ulan at patuloy sa pagluha.

Di matakasan multo ng nakaraan,
Hanggang ngayon sa puso’y naninirahan.
Bakit pa pinagtagpo ni kupido?
Tayo rin pala ay magkakalayo.

Sa tuwing ikaw ay napapaginipan
Pagtulo ng luha’y di mapigilan.
Pangalan mo’y laging isinisigaw
Kahit wala na sa mundong ibabaw.

Kahit pantay na ang iyong mga paa,
Hiling ko ay mabasa mo aking tula,
Tulang inaalay ko lamang sa iyo
Unang adan na nagpatibok sa aking puso.


Maestro
 ni Diana Ceralde

Nakaupo lamang sa isang upuan
Binabalikan buhay sa nakaraan.
Hawak ang patpat at puting panulat
Habang ang libro ay binubuklat.

Isang kahig, isang tuka,
Nakagisna’y asin at mantika.
Buhay ay malayo sa kabihasnan
Barya lang ang kaligayahan.

Maharlika ay mapanglait
Tingin sa dukha ay bubwit,
 Kaya namutawi sa labi ko,
Bukas di na luluha ng bato.

Sabi sa pamilya,wag mag-alala
Akong panganay ang siyang bahala.
Sipag at tiyaga ang ipupuhunan
Upang makaahon sa  kahirapan.

Sa umaga’y nagsusunog ng kilay,
Sa gabi’y naghahanap buhay.
Hirap at pagod ay di alintana,
Makuha lang inaasam na diploma.

Pagkabigo’y wala sa bokabularyo,
Kahit kamay ay puno na ng kalyo.
Kahit ilang bagyo ang dumating,
Rurok ng tagumpay ay mararating.

Kung iisipin mong ika’y sawi
Sa buhay ika’y di magwawagi.
Datapwat sa buhay maging malakas
Para matanaw ang magandang bukas.

Binhing itinanim sa wakas nagbunga,
Ginhawang inaasam abot-kamay na.
Diplomang nais ay nakamtan
Kaligayaha’y walang mapagsidlan,

 Unti-unting lumipas ang panahon
At unti-unti ring umaahon.
Ang dating sadlak sa hirap
Ngayo’y tumatamasa ng sarap.

Sa buhay ay di nagkuskos balungos,
Pagkat alam kong nariyan ang Diyos.
Ang pamilya ang naging inspirasyon ko
Ngayo’y mahusay na mestro sa Filipino.